Sunday, January 27, 2013

kailan


Malapit na naman ang local election. Panahon upang magluklok ang taong bayan ng mga kandidatong mamumuno sa atin. Ang dami nilang magagandang pangako. Pero pag sila ba ay nakaupo na sa kanilang pwesto, sa tingin nyo ay maaalala pa nila ang mga taong dahilan ng kanilang pagkakapanalo? Siguro may pailan-ilang gumagawa nito.

Sana naman ay magbago na ang gawi ng ating mga mambabatas. Sana ay tuparin na nila ang kanilang pangakong paulit-ulit na lang naririnig tuwing panahon ng kampanyahan. Ngunit pagkaraang manalo ay pang sariling kapakanan na lamang ang ginagawa at kinalimutan na ang kanyang tungkulin sa bayan. Kurakot dito, kurakot duon ang inaatupag. At pag di pa nakuntento ay kurakot pa ulit sa banda duon pa. Kailan ba titigil si Juan dela Cruz na magpa-uto sa mga ganitong klase ng tao?  Oo, "tao" ang tawag ko sa kanila.

Mga taong tunay na tumutulong sa masa. mga nagnanais ng pagbabago sa atin lipunan. Mga mambabatas na gustong iahon ang bawat pilipino sa kahirapan. Hindi yung puro pagpapasarap at pagnanakaw ng pera ng sambayan ang alam gawin. Mga pinunong magbibigay ng sapat na trabaho para kay Juan dela  Cruz upang magkaroon ng sapat na pagkain ang bawat pamilya at edukasyon para sa mga susunod na henerasyon.

Ito, ito sa palagay ko ang masasabi nating mga tunay na pinuno.

Saturday, December 15, 2012

Sunday anik-anik


Mall dito, mall duon. Condo dito, condo duon. Gusali dito, gusali duon. Nag sulputan na animo'y mga kabute sa dayaming nadiligan ng inang kalikasan. Sadyang kayganda nitong pagmasdan. Ng mall? Ng condo? Alin ba? Hay, yung kabute po ang tinutukoy ko kaibigan. Pasensya na po at sadyang may kaunting maka-kalikasan po ako kaya't kabute ang napansin ko.




Bakit nga ba palaging may kaakibat na isyu ang napapadalas na pagtatayo ng mga mall at condo sa panahong ito?  Kadalasan ay isyu tungkol sa maaaring maging epekto nito sa kalikasan. Isang halimbawa ang pagtatayo ng isang mall sa bulubunduking lugar ng Baguio City. May mga ilang grupo ang tumutol dito subalit ibinasura ito ng korte sa nasabing lugar . Tama nga kaya ang naging desisyon ng iilang tao? Tingin ko'y malalalaman lang nating ito sa mga darating na panahon kung saan posibleng isa na namang kalunos-lunos na trahedya ang siyang nagin resulta.












Sa totoo lang, ang sa akin lamang ay kung paano ba maibabalanse ang pag-unlad o progreso na hindi kaakibat o kasabay ng pag sakrepisyo o ang pagwasak ng kalikasan ang siyang pinakamalaking katanungan sa gawing dulo. Hindi lingid sa ating kaalaman na lahat naman ay nais ng magandang pagbabago at pag-ulad. Sino ba naman ang hindi magnanais ng isang maayos at kaaya-ayang lipunan? Isang pamayanan na kung saan may sapat na sahod o kita ang bawat pamilya. Isang komunidad na nabubuhay ng matiwasay sa malinis na kapaligiran. Isang bansa na hindi pinamumugaran ng sakim at gahamang mga pinuno at mga mala-buwitreng kapitalista. Isang pamumuhay na kapana-panabik matamo. 

Ngunit paano kung ang kapalit naman nito ay ang pagkawasak ng ating kapaligiran. Progreso? Saan tayo dapat lumugar at ano ba ang mga tamang hakbang na dapat ikonsidera upang sa pag unlad ng ating kasalukuyang kalagayan ay hindi magiging dahilan upang kalikasan naman ang ating masira? Alam ko na may sapat na kaalaman ang ating mga eksperto at sayantipiko ukol sa tamang pangangalaga ng ating kalikasan subalit ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi nila ito isinasakatuparan. Marami rin ba sa mga edukado at matatalinong tao ay mistulang lobo na hayok sa laman kung pagsamantala ang kapwa at kapangyarihan ng pera? Ang pansariling kapakanan lamang ang nasa isipan.










Iisa lang ating mundo, di ito lingid sa ating kaalaman. Kapag nasira ito, saan sa tingin mo maninirahan ang iyong mga anak... ang iyong mga apo... ang anak ng apo mo... anak ka ng ina mo! Ikaw na isa sa mga libo-libong buwaya sa lipunan na walang hangad kung di ang makamal ng limpak-limpak na salapi, pag-aari at kapangyarihan. Mga magnanakaw. Mga ganid.  Mga salot sa lipunan. Pati kayong mga nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar at pamamaraan. Mga panget kayo!


 Nakukulitan ka na ba? Paulit-ulit lang hindi ba? Ngunit kailangang ulit-ulitin ng walang katapusang ulit hanggat hindi naiuukit sa isipan ng bawat isa sa atin. Tayo po ay mag isip-isip kaibigan. Ayaw ba nating pag kaluoban ng isang malinis na kapaligiran at maayos na lipunang ang mga susunod nating henerasyon? Nanaisin mo pa bang makakita ng mga batang nagsilaki sa tinatawag nating "squatters area"? 



Anuman ang mga pangarap natin para sa ating mga anak ay mawawalan ng halaga kung ang lipunan at kapaligiran na kanilang kalalakhan ay hindi wasto at kaaya-aya. Huwag nating ipagkait sa ating susunod na saling lahi ang isang magandang kinabukasan.






Friday, December 14, 2012

"men"

hahahahaha

sabi nga nang kaibigan kong nagbabasa sa mga sandaling ito

"men, mahirap nang baguhin yan."

hindi ako nagkomento sa sinabi nya bagus ay daglian kong isinulat ito


Thursday, December 13, 2012

NO to RH Bill



Dapat ba natin silang pandirihan at alipustahin? Kasalanan man nila o hindi, sila ba ay nararapat nating sisihin? Sila ba ay dapat natin  tulungan at turuan upang makahulagpos at makaalpas sa ganitong uri ng pamumuhay?

Kung ikaw man ay walang kinalaman upang magkaganito ang uri ng kanilag pamumuhay, ito ba ay sapat na batayan upang ikaw ay maging manhid at pilit nagbubulag-bulagan sa iyong mga nasasasaksihan sa ating paligid?


http://www.gmanetwork.com/news/story/286236/news/nation/how-house-members-voted-on-the-rh-bill

Tuesday, December 11, 2012

Lumang tugtugin, ganun pa din.

Hindi na bago ang mga ganitong pangitain sa panahon natin ngayon. Basura sa estero. Bakit kaya hindi natin pilit maililok sa pag-iisip ng karamihan na hindi dapat itinatapon ang mga basura sa estero? Hindi ba nila alam kung ano ang maaaring maging epekto nito sa atin at sa ating kalikasan? Malamang ay hindi lamang nila ito iniintindi, subalit paniguradong alam nila ang dulot ng pagtatapon ng mga basura sa estero.

Sadyang kulang lamang kaya tayo sa sariling disiplina? Tingin ko ay maaari namang matutunan sa mismong tahanan kung ano ang dapat gawin sa mga basura. Hindi dahilan ang katagang "Hindi kasi siya nakapag-aral.". At sa nagdaang mga bagyong nanalanta sa ating bansa partikular sa kalunsuran. Malinaw na malinaw kung ano ang mamagiging epekto ng basurang bumara sa mga estero. Ilang daang pamilya ang naapektuhan. Ilang kababayanan natin ang kailangan magbuwis ng buhay dahil lamang sa basura at sa epekto nito? Ilang trahedya pa ba ang kinakailangang mangyari bago tayo tuluyang mamulat? Ilang buhay pa ang kinakailangang makitil?

Naniniwala akong hindi na kinakailan na mangyari pang muli ang mga kalunos-lunos na trahedya na ating nasaksihan sa mga naglipas na panahon na kung saan ay basura ang isa sa mga naging dahilan upang marami ang mapektuhan o mamatay.

Naniniwala ako na kaya nating ibalik sa dati ang mga estero sa kanayunan. Maraming solusyon ang maaari nating isagawa bilang isang indibidwal. Huwag na nating isisi kanino man ang mga bagay  na ito. Bagkus ay simulan natin sa ating mga sarili. Ituro natin sa ating mga susunod na henerasyon ang tamang pakikitungo sa ating kapaligiran at kalikasan. Sanaying natin ang ating mga sarili at ating mga anak kung ano ang mga tamang hakbang sa pagsasa-ayos ng ating mga basura.

Bigayan nating ang mga susunod na henerasyon ng isang maganda at malinis na kapaligiran. Sapagkat mawawalan ng saysay ang lahat ng mga materyal na bagay na ating pag-aari kung ang ating kapaligiran ay mistulang malaking basurahan sa gitna ng kalawakan.  Ating ng simulan ang dapat ay matagal na nating ginawa. Maging responsable tayo. Para sa mga susunod pang salin-lahi.


Sunday, December 9, 2012

usok



Saan ka man mapunta, KATAKOT-TAKOT na usok na dulot ng mga sasakyan sa lansangan ang iyong malalanghap.
Minsang ako ay nakasakay sa bus, nagtaka ako kung bakit himinto ito sa alanganin. Ito pala ay pinara ng isang kawani ng pamahalaan na kulay dilaw ang suot uniporme. Maya-maya pa ay may isinuot na kung anung aparato ito sa tambutso ng sinasakyan kong bus. Ahh, pang sukat wari ko ito ng dami ng usok na ibinubuga ng bus o panukat kung gaano kadumi ang usok na nanggagaling sa bus. Kung ito mang aparatong ito ay tunay na gumagana o kung tama ang lumalabas na resulta ay hindi ko alam. O baka naman ito'y isang pakitang-tao lamang? Masabi lamang na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Di ko mawari.

Maganda din naman pala ang hangarin nila kung bakit nila pinahinto ang bus. Ngunit sa wari ko ay di na dapat pa umaabot pa sa ganito ang sitwasyon. Sa pagkaka-alam ko ay sa emmission testing center ito ginagawa at hindi sa mismong lansangan. Pero bakit nangyayari ito? Ako mismo ay naging saksi sa pangyayaring ito. Lumalabas pala na maaaring mag byahe ang isang bus o jeep o kahit ang isang pribadong sasakyan sa lansangan kahit di pa ito dumadaan sa emmission testing center. Nakapag-renew ang isang may prangkisa o ang isang may ari ng sasakyan ng hindi naisasa-ilalim sa emmission test. Bakit? Hindi ko malaman kung bakit.

 
Alam ng karamihan ang mga nangyayaring kabulukan at katiwalian sa iba't ibanga ahensya ng ating pamahalaan. Marahil isa na ang nabanngit na ahensya ang may mga ganitong gawain kaya't madalas tayong makakita ng sasakyan sa lansangan na walang pakundangan kung magbuga ng makapal at maiitim na usok. Usok na nakakasama at nakakalason sa kalusugan ng lahat. Higit rito, ng mga bata na mahihina pa ang baga at katawan. Usok na sumisura sa ating kapaligiran.

Sa ganitong pangyayari, sino ba ang dapat sisihin? Ang may  ari ng prangkisa (o sasakyan) o ang nasabing ahensya ng pamahalaan? Ang mga mamamayan ba na nakakakita ng mga ganitong pangyayari na walang pakialam o walang nalalaman tungkol sa polusyong dulot ng usok mula sa mga sasakyan? O ang presidente ang dapat sisihin? Hindi kaya ang simbahang katoliko?  Sino nga ba? Sila?       Ikaw? O ako ba? At sino ba ang dapat mag-tama ng ganitong bagay?

Ikaw, anu-ano ang mga bagay at katanungan ang pumasok sa iyong isipan habang binabasa mo ang artikulong ito?

Isang obserbasyon na aking nakita sa pang araw-araw na pamamalagi ko sa lansangan tuwing ako ay bumabyahe pauwi at papasok sa aking trabaho. Hindi ako NAGDUDUNUNG-DUNUNGAN, bagkus ito ay isa ring KATANUNGAN mula sa aking sarili....

Silbi ng Pagsisi

Minsan sa buhay ng isang tao, hindi niya namamalayan ang kanyang mga ginagawa. Minsan ang mga kilos at mga gawa ng isang indibidwal ay nakakasakit na pala ng kanyang kapwa... ng kanyang kaibigan... ng kanyang kapatid... ng kanyang mga magulang... ng kanyang minamahal.

Kailan mo nga ba malalaman at madarama na ang iyong mga gawain ay nakakasakit na nang damdamin ng iba? Paano mo ito malalaman o mararamdaman? Sino nga ba ang makapagsasabi sa iyo ng mga maling gawaing ito? 

Marahil ay bigla ka rin napa-isip kung ikaw ba ay may mga maling ginagawa tungo sa iyong kapwa? Sa iyong kaibigan? Sa iyong kapatid? Sa iyong mga magulang? Sa iyong minamahal? Kung ikaw man ay may mga ganitong agam-agam, ngayun na ang tamang panahon upang baguhin ang mga ito. Ang mga gawaing nakakasakit sa iyong kapwa ay maaari namang baguhin o tuluyang iwasan. Maari pa namang magbago ang iyong pag-uugali at  pakikitungo sa iyong kapwa at higit sa lahat, sa iyong minamahal. Lalu na at ang mismong tao na iyong nasasaktan ang siya nang nagbanggit sa iyo na siya ay may nararamdamang sakit ng luob, hinanakit at higit sa lahat, ay may takot.

Ang lahat ay ibinibigay sa atin ng ating mga minamahal sa buhay. Ngunit minsan ay sadyang bulag at manhid ang isang nilalang. Hindi niya nakikita at nadarama ang mga pagpupursige at mga sakripisyo na ginagawa ng kanyang minamahal mapasaya at guminhawa lamang siya. Ang mga pagpapakasakit niya. Ang kanyang mga paghihirap.

Malalaman mo lamang ba ang mga bagay na ito kapag huli na ang lahat...kapag nawala na ang iyong kaibigan, kapatid, magulang o minamahal? Ngunit hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay ganito ang sitwasyon. At ikaw ay masasabi ko na sadyang pinapalad kapag nabigyan ka pa ng isa pang pagkakataon  upang itama at baguhin o iwasan ang iyong mga pagkakamali. Huwag na huwag mo itong palalampasin dahil baka hindi na ito muling dumating pa sa iyong buhay.

Huwag na nating paabutin pa sa alanganing sitwasyon ang ating mga sarili. Hanggat maaga ay pilitin nating suriin ang mga pangyayari sa ating mga buhay at itama ang mga maling gawain at pag-uugali... bago pa maging huli ang lahat na kung saan ang pagsisisi ay wala nang silbi pa!

*ito ay hango sa tunay na pangyayari sa buhay ng isang kaibigan