Mall dito, mall duon. Condo dito, condo duon. Gusali dito, gusali duon. Nag sulputan na animo'y mga kabute sa dayaming nadiligan ng inang kalikasan. Sadyang kayganda nitong pagmasdan. Ng mall? Ng condo? Alin ba? Hay, yung kabute po ang tinutukoy ko kaibigan. Pasensya na po at sadyang may kaunting maka-kalikasan po ako kaya't kabute ang napansin ko.
Bakit nga ba palaging may kaakibat na isyu ang napapadalas na pagtatayo ng mga mall at condo sa panahong ito? Kadalasan ay isyu tungkol sa maaaring maging epekto nito sa kalikasan. Isang halimbawa ang pagtatayo ng isang mall sa bulubunduking lugar ng Baguio City. May mga ilang grupo ang tumutol dito subalit ibinasura ito ng korte sa nasabing lugar . Tama nga kaya ang naging desisyon ng iilang tao? Tingin ko'y malalalaman lang nating ito sa mga darating na panahon kung saan posibleng isa na namang kalunos-lunos na trahedya ang siyang nagin resulta.
Sa totoo lang, ang sa akin lamang ay kung paano ba maibabalanse ang pag-unlad o progreso na hindi kaakibat o kasabay ng pag sakrepisyo o ang pagwasak ng kalikasan ang siyang pinakamalaking katanungan sa gawing dulo. Hindi lingid sa ating kaalaman na lahat naman ay nais ng magandang pagbabago at pag-ulad. Sino ba naman ang hindi magnanais ng isang maayos at kaaya-ayang lipunan? Isang pamayanan na kung saan may sapat na sahod o kita ang bawat pamilya. Isang komunidad na nabubuhay ng matiwasay sa malinis na kapaligiran. Isang bansa na hindi pinamumugaran ng sakim at gahamang mga pinuno at mga mala-buwitreng kapitalista. Isang pamumuhay na kapana-panabik matamo.
Ngunit paano kung ang kapalit naman nito ay ang pagkawasak ng ating kapaligiran. Progreso? Saan tayo dapat lumugar at ano ba ang mga tamang hakbang na dapat ikonsidera upang sa pag unlad ng ating kasalukuyang kalagayan ay hindi magiging dahilan upang kalikasan naman ang ating masira? Alam ko na may sapat na kaalaman ang ating mga eksperto at sayantipiko ukol sa tamang pangangalaga ng ating kalikasan subalit ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi nila ito isinasakatuparan. Marami rin ba sa mga edukado at matatalinong tao ay mistulang lobo na hayok sa laman kung pagsamantala ang kapwa at kapangyarihan ng pera? Ang pansariling kapakanan lamang ang nasa isipan.
Iisa lang ating mundo, di ito lingid sa ating kaalaman. Kapag nasira ito, saan sa tingin mo maninirahan ang iyong mga anak... ang iyong mga apo... ang anak ng apo mo... anak ka ng ina mo! Ikaw na isa sa mga libo-libong buwaya sa lipunan na walang hangad kung di ang makamal ng limpak-limpak na salapi, pag-aari at kapangyarihan. Mga magnanakaw. Mga ganid. Mga salot sa lipunan. Pati kayong mga nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar at pamamaraan. Mga panget kayo!
Nakukulitan ka na ba? Paulit-ulit lang hindi ba? Ngunit kailangang ulit-ulitin ng walang katapusang ulit hanggat hindi naiuukit sa isipan ng bawat isa sa atin. Tayo po ay mag isip-isip kaibigan. Ayaw ba nating pag kaluoban ng isang malinis na kapaligiran at maayos na lipunang ang mga susunod nating henerasyon? Nanaisin mo pa bang makakita ng mga batang nagsilaki sa tinatawag nating "squatters area"?
Anuman ang mga pangarap natin para sa ating mga anak ay mawawalan ng halaga kung ang lipunan at kapaligiran na kanilang kalalakhan ay hindi wasto at kaaya-aya. Huwag nating ipagkait sa ating susunod na saling lahi ang isang magandang kinabukasan.