Saan ka man mapunta, KATAKOT-TAKOT na usok na dulot ng mga sasakyan sa lansangan ang iyong malalanghap.
Minsang ako ay nakasakay sa bus, nagtaka ako kung bakit himinto ito sa alanganin. Ito pala ay pinara ng isang kawani ng pamahalaan na kulay dilaw ang suot uniporme. Maya-maya pa ay may isinuot na kung anung aparato ito sa tambutso ng sinasakyan kong bus. Ahh, pang sukat wari ko ito ng dami ng usok na ibinubuga ng bus o panukat kung gaano kadumi ang usok na nanggagaling sa bus. Kung ito mang aparatong ito ay tunay na gumagana o kung tama ang lumalabas na resulta ay hindi ko alam. O baka naman ito'y isang pakitang-tao lamang? Masabi lamang na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Di ko mawari.
Maganda din naman pala ang hangarin nila kung bakit nila pinahinto ang bus. Ngunit sa wari ko ay di na dapat pa umaabot pa sa ganito ang sitwasyon. Sa pagkaka-alam ko ay sa emmission testing center ito ginagawa at hindi sa mismong lansangan. Pero bakit nangyayari ito? Ako mismo ay naging saksi sa pangyayaring ito. Lumalabas pala na maaaring mag byahe ang isang bus o jeep o kahit ang isang pribadong sasakyan sa lansangan kahit di pa ito dumadaan sa emmission testing center. Nakapag-renew ang isang may prangkisa o ang isang may ari ng sasakyan ng hindi naisasa-ilalim sa emmission test. Bakit? Hindi ko malaman kung bakit.
Alam ng karamihan ang mga nangyayaring kabulukan at katiwalian sa iba't ibanga ahensya ng ating pamahalaan. Marahil isa na ang nabanngit na ahensya ang may mga ganitong gawain kaya't madalas tayong makakita ng sasakyan sa lansangan na walang pakundangan kung magbuga ng makapal at maiitim na usok. Usok na nakakasama at nakakalason sa kalusugan ng lahat. Higit rito, ng mga bata na mahihina pa ang baga at katawan. Usok na sumisura sa ating kapaligiran.
Sa ganitong pangyayari, sino ba ang dapat sisihin? Ang may ari ng prangkisa (o sasakyan) o ang nasabing ahensya ng pamahalaan? Ang mga mamamayan ba na nakakakita ng mga ganitong pangyayari na walang pakialam o walang nalalaman tungkol sa polusyong dulot ng usok mula sa mga sasakyan? O ang presidente ang dapat sisihin? Hindi kaya ang simbahang katoliko? Sino nga ba? Sila? Ikaw? O ako ba? At sino ba ang dapat mag-tama ng ganitong bagay?
Ikaw, anu-ano ang mga bagay at katanungan ang pumasok sa iyong isipan habang binabasa mo ang artikulong ito?
Isang obserbasyon na aking nakita sa pang araw-araw na pamamalagi ko sa lansangan tuwing ako ay bumabyahe pauwi at papasok sa aking trabaho. Hindi ako NAGDUDUNUNG-DUNUNGAN, bagkus ito ay isa ring KATANUNGAN mula sa aking sarili....
No comments:
Post a Comment