Minsan sa buhay ng isang tao, hindi niya namamalayan ang kanyang mga ginagawa. Minsan ang mga kilos at mga gawa ng isang indibidwal ay nakakasakit na pala ng kanyang kapwa... ng kanyang kaibigan... ng kanyang kapatid... ng kanyang mga magulang... ng kanyang minamahal.
Kailan mo nga ba malalaman at madarama na ang iyong mga gawain ay nakakasakit na nang damdamin ng iba? Paano mo ito malalaman o mararamdaman? Sino nga ba ang makapagsasabi sa iyo ng mga maling gawaing ito?
Marahil ay bigla ka rin napa-isip kung ikaw ba ay may mga maling ginagawa tungo sa iyong kapwa? Sa iyong kaibigan? Sa iyong kapatid? Sa iyong mga magulang? Sa iyong minamahal? Kung ikaw man ay may mga ganitong agam-agam, ngayun na ang tamang panahon upang baguhin ang mga ito. Ang mga gawaing nakakasakit sa iyong kapwa ay maaari namang baguhin o tuluyang iwasan. Maari pa namang magbago ang iyong pag-uugali at pakikitungo sa iyong kapwa at higit sa lahat, sa iyong minamahal. Lalu na at ang mismong tao na iyong nasasaktan ang siya nang nagbanggit sa iyo na siya ay may nararamdamang sakit ng luob, hinanakit at higit sa lahat, ay may takot.
Ang lahat ay ibinibigay sa atin ng ating mga minamahal sa buhay. Ngunit minsan ay sadyang bulag at manhid ang isang nilalang. Hindi niya nakikita at nadarama ang mga pagpupursige at mga sakripisyo na ginagawa ng kanyang minamahal mapasaya at guminhawa lamang siya. Ang mga pagpapakasakit niya. Ang kanyang mga paghihirap.
Malalaman mo lamang ba ang mga bagay na ito kapag huli na ang lahat...kapag nawala na ang iyong kaibigan, kapatid, magulang o minamahal? Ngunit hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay ganito ang sitwasyon. At ikaw ay masasabi ko na sadyang pinapalad kapag nabigyan ka pa ng isa pang pagkakataon upang itama at baguhin o iwasan ang iyong mga pagkakamali. Huwag na huwag mo itong palalampasin dahil baka hindi na ito muling dumating pa sa iyong buhay.
Huwag na nating paabutin pa sa alanganing sitwasyon ang ating mga sarili. Hanggat maaga ay pilitin nating suriin ang mga pangyayari sa ating mga buhay at itama ang mga maling gawain at pag-uugali... bago pa maging huli ang lahat na kung saan ang pagsisisi ay wala nang silbi pa!
*ito ay hango sa tunay na pangyayari sa buhay ng isang kaibigan
No comments:
Post a Comment