Hindi na bago ang mga ganitong pangitain sa panahon natin ngayon. Basura sa estero. Bakit kaya hindi natin pilit maililok sa pag-iisip ng karamihan na hindi dapat itinatapon ang mga basura sa estero? Hindi ba nila alam kung ano ang maaaring maging epekto nito sa atin at sa ating kalikasan? Malamang ay hindi lamang nila ito iniintindi, subalit paniguradong alam nila ang dulot ng pagtatapon ng mga basura sa estero.
Sadyang kulang lamang kaya tayo sa sariling disiplina? Tingin ko ay maaari namang matutunan sa mismong tahanan kung ano ang dapat gawin sa mga basura. Hindi dahilan ang katagang "Hindi kasi siya nakapag-aral.". At sa nagdaang mga bagyong nanalanta sa ating bansa partikular sa kalunsuran. Malinaw na malinaw kung ano ang mamagiging epekto ng basurang bumara sa mga estero. Ilang daang pamilya ang naapektuhan. Ilang kababayanan natin ang kailangan magbuwis ng buhay dahil lamang sa basura at sa epekto nito? Ilang trahedya pa ba ang kinakailangang mangyari bago tayo tuluyang mamulat? Ilang buhay pa ang kinakailangang makitil?
Naniniwala akong hindi na kinakailan na mangyari pang muli ang mga kalunos-lunos na trahedya na ating nasaksihan sa mga naglipas na panahon na kung saan ay basura ang isa sa mga naging dahilan upang marami ang mapektuhan o mamatay.
Naniniwala ako na kaya nating ibalik sa dati ang mga estero sa kanayunan. Maraming solusyon ang maaari nating isagawa bilang isang indibidwal. Huwag na nating isisi kanino man ang mga bagay na ito. Bagkus ay simulan natin sa ating mga sarili. Ituro natin sa ating mga susunod na henerasyon ang tamang pakikitungo sa ating kapaligiran at kalikasan. Sanaying natin ang ating mga sarili at ating mga anak kung ano ang mga tamang hakbang sa pagsasa-ayos ng ating mga basura.
Bigayan nating ang mga susunod na henerasyon ng isang maganda at malinis na kapaligiran. Sapagkat mawawalan ng saysay ang lahat ng mga materyal na bagay na ating pag-aari kung ang ating kapaligiran ay mistulang malaking basurahan sa gitna ng kalawakan. Ating ng simulan ang dapat ay matagal na nating ginawa. Maging responsable tayo. Para sa mga susunod pang salin-lahi.
No comments:
Post a Comment